Biyernes, Hunyo 11, 2010

Ang Pagwawakas ng Kabanata


Sa mga mambabasa ang paumanhin ko ay tanggapin

Sa di pagsulat ng mga tula tungkol sa king damdamin

Pagkat ako'y mayroon pagsubok matinding suliranin

Na di ko na kayang maayos kahit binigyan ko ito ng pansin


Sa limang taon ako' y mayrong nakasama

Tunay kong ngang mahal hinarap ko sa dambana

Lahat ng kanyang naisin akin namang sinunod

Ngunit tila ba sa kapangyarihan lubha syang nalunod


Pero kahit ganun minamahal ko syang tunay

Kalabanin ko man ang sarili pamilya ko man ay nadamay

Kahit nasasaktan hindi ko to iniinda sapagkat mahal ko sya

Ngunit tila ito na ang wakas ng aming mahabang kabanata

Miyerkules, Mayo 12, 2010

Higanteng abnoy


Manghang mangha at hindi ako makapaniwala
Ang dambuhalang ito ang ginagawan ko ng isang tula
Higanteng abnoy ang nananahan sa akin tahanan
Kelan matatapos itong aking aking kapighatian
Isang halimaw ang nagtatago sa isang mukhang bakulaw
Maamo sa paningin niloloko ang bawat na taong nakatanaw
Akala nila isa syang anghel bumaba na galing sa kalangitan
Di nila alam demonyong umakyat dito sa ating sang kalupaan
Ang tunay na kulay ng balat nyay sanay makita
Nagkukubli sa isang mapagpanggap na maamong tupa
Sariling ina kanyang niloloko ninanakawan
Pag di ako nakapagpigil sya ay aking papatulan
Mahal na bathala sana akoy iyong gabayan
Di na magdilim ang paningin madala sa karimlan
Hayaan ko munang tadhana ang gumanti sa para sa akin
Kung makapagpigil aking mahal sana'y iyong patawarin

Martes, Abril 27, 2010

Karamdaman sa Kainitan

O kay tagal din ang aking pananabik
Sa pag sulat ng tula ako'y sobrang nasabik
Di yata lubhang nakalilimot na
Sa aking isang hilig sa pag sulat ng isang tula

Ngunit ano ba itong aking nararanasan
Ang pagsulat ng tula'y sinabayan ng karamdaman
Tila isang sumpa ang sa aki'y sumapit
Kasiglahan ng katawan sana sa akin manumbalik

Sa pagdaan ng panahon ako ay lubhang nababahala
Tila pag init ng panahon ay di na nakakatuwa.
Iba't ibang karamdaman sa amin ay nadarama
Delubyo bang masasabi itong mabangis na dilema

Kay daming kaganapan ang ngayon ay nangyayari
Ang tao'y malapit ng mawala sa kanyang bait sa sarili
Dyos kong mapagpala kami sana'y iyong kawaan
Iiwas po kami sa sakit loob na kapighatian.

Martes, Marso 23, 2010

Ikaapat na Martes ng bwan ng Marso

Ako ay naririto muling sumsulat ng tula
Di na nagiba ang araw kong mapakla
Sing lanta ng gulay na nakatanim sa likod bahay
Tila ang buhay kong itoy nawawalang saysay

Maykapal kahit paano di ako hinahayaan
Na masadlak sa kalungkutan konting biyaya'y inambunan
Kasiyahan kelan ka muli sa aki'y magbabalik
Ano ang gagawin pagkat ako sayo ay sabik

Mayron akong nalaman mula sa telebisyon
May bagyong paparating magiiba ang panahon
Init dagling mawawala at sasapit ang ulan
Ito ba'y magandang balita na pawang katotohanan

Sasakyan kong nakatengga magaapat na linggo na
Ang tanong ko'y paano at kelan sya gagana
Ngayon pang ako'y may problema sa pera ay salat na
Di ko alam ang gagawin at wala ng magagawa pa

Lunes, Marso 22, 2010

Panandaliang Saya


Labis akong natuwa sa aking napuntahan
Ako ay nag ensayo sa aming simpleng simbahan
Isang bagong kaibigan ang aking nakilala
Sa paglilikod sa Dyos ako ay kanyang niyaya
Mga dating awitin na aking naalala
Ay sya rin palang alam ng mga bago kong kasama
Di nagtagal nakabuo kami ng linya ng mga kanta
Na aawitin sa sabado,buong koro ay handa na
Sobra man akong pagod sa aming ensayo
Maganda naman ang resulta talo ko pang nanalo
Sa lotto sa sweeptakes o kahit anuman ang gusto mo
Di mapapantayan ang labis na nadarama ko
May natutunang kanta mga aral na nalaman
Ito ay nagmula sa bago kong kaibigan
Sa akin ay natuwa di na tinuring na iba
Hanggang mag gabi na dilim ay sumapit na
O eto na naman sa aking pag uwi
Lungkot ay bumalik saya ay napawi
Pagkat haharapin ko na naman itong dating kinalalagyan
Puno ng hirap at problema nitong aking tahanan
Bakit ganito ang mundo hindi na lang puro ligaya
Hatid ng araw sa akin panandaliang saya
Ngayon nais na lamang matulog upang di na madama pa
Ang lungkot at sakit na sadyang aking nadarama

Linggo, Marso 21, 2010

Ordinaryong Araw


Kay hirap talaga ng pag gising sa umaga
Lalo na kung puno ng problema wala kang magawa
Haharap sa computer maghahanap ng trabaho
O kelan ba matatapos ang hinagpis kong ito
Mabuti na lang at merong email na nakita
Buhat sa isang tagapagpayo sa larangan ng musika
Ano ba't napansin nya at binigyan nya ng pag asa
Ang talento ko daw kaya pa raw itong mahasa
Sa patuloy kong pagtingin sa computer ko'y napansin
Asawa ng kaibigan ko tila masaya at malambing
Saka ko nasabing ang swerte naman nya
At ang asawa nya'y mabait at masunurin pa
Pawa kong naiisip kung ano ba ang mga nangyari
Tila ako'y pinarusahan asawa ko'y lalong hindi ko mawari
Ano ang gagawin ano kaya ang solusyon
Sana'y matapos na sa problema ako ay iahon
Mamayang hapon ako ay merong katagpuan
Mageensayo kami ng kanta doon sa maliit na simbahan
Eto na naman ako at muling bumabalik
Pagpupuri sa panginoon ako ba'y sadyang nasasabik
Mabuting Maykapal ako po inyong pahintulutan
Na makipagusap sa inyo manikluhod sa inyong harapan
Tanong ko kelan saan at pano ko makakamtan
Manumbalik ang saya sana'y ako'y iyong tulungan

Sabado, Marso 20, 2010

Tangis sa kanyang pamamaalam







Akala ko isang ordinaryong araw lang
Ang oras ay tatakbo minu minutong titignan
Ngunit isang palang bagay ang aking natapagtanuan
Pagpapaalam ni ama dito sa aking tahanan

Sinimulan kong magisip kung tama ang gagawin

Tama ba itong nangyayari na sya ay paalisin

Subalit walang nagawa kundi ang damdamin sundin
Ayokong madamay sya sa mga alitan namin

Sa paglipas ng oras alas dos alas tres
Pinagiisipan pa rin ito ng makapitong beses
Wala akong magagawa kailangan muna nyang lumisan
Masakit man sa akin sya ay malaking kawalan

Ilang taon ang lumipas hanggang sa akin pagtanda
Di sya tumigil sa pagsubaybay sa akin nagaruga
Ako ngayo'y tumatangis nalulungkot lumuluha
Pag liligtas nya sa buhay ko ito ang kanyang napala

Sanay makabawi ako sa bawat pagmamahal nya
Di matutumbasan maging ang magaling kong asawa
Hayaan ng tapusin ang tula pagkat di na natutuwa
Ang hiling ko lamang gabayan sya ng may lumikha

Biyernes, Marso 19, 2010

Para sa aking bunsong kapatid


Itong aming bunso lubha akong nababahala
Paglipas ng buhay tila di niya alintana
Tanong ko sa king sarili pano sya matutulungan
Kung ang sarili nyang magulang ayaw nyang pakinggan
Bata pa sya noon di na kami nagkasundo palagi
Ang sumunod kong kapatid ang lagi nyang kakampi
Sa di sinasadyang oras o binigay na ng panahon
Na kami magkatulungan sa matinding pagkakataon
Aming pinagsama sikap galing at talino
Sa musika'y pinagbuklod sa iisang tono
Hanggang maglaon tuloy tuloy na panalo
Di kami nabuwag kailanma'y di natalo
Grupo ng manganganta kami ay nagsanib
Sa talentong nakamtan lahat ay napabilib
Ilang tao ang naturuan sila ay aming nasamahan
Sa mga paligsahan tunay kaming palaban
Ngunit ang aking kapatid may matinding karamdaman
Tila ba ang babae lagi nyang pinaglalaruan
Marami ang tumangis buhay ay nasira
Ang tanong ko kaibigan kelan sya madadala
Iba't ibang pagsubok ang lagi nyang nararanasan
Ngunit di ko alam kung meron sya natutunan
O aking kapatid kelan ikaw ay magbabago?
Harapin ang bukas umiwas sa gulo
Para sa kanya o kay dali ng buhay
Wag lang seserymonan ang mabait kong nanay
Pagkat wala syang magawa pag nanay ay nagingay
Ng dahil sa kanya nataranta ang aming kapitbahay
Kung alam mo lang kapatid na espesyal ka sa lahat
Sa ating tatlo ikaw ang syang may pagmamahal na sapat
Itong iyong ama labis labis ang pag aalala
Pensyong di pa nakukuha ay binibilang na
Bago ko tapusin ang mahabang kong tula
Sa payo ng kuya mo ay wag kang madadala
Alam kong kaya mo ang bawat problema
Di mo naman hahayaan na ikaw mapapariwara

Huwebes, Marso 18, 2010

Pagkain o musika





Ilang panahon na rin ako ay nababagabag
Sa isip ay may plano ngunit puso ay labag
Di maintindihan kung ito ay dapat ba
Ipagpatuloy ang hilig pag ibig sa musika

Ng matapos ako ng secondarya ito ang pangarap ko
Hanggang matapos ang kurso ko sa kolehiyo
Nalimot ko na nga ito hanggang magkatrabaho
Pangarap kong maging musikero unti unting lumalabo

Hanggang sa nagdaan panahon merong nagtiwala
Mga taong nagpaturo mga estudyante sa eskwela
Tinuring akong guro tunay na tagapagpayo
Sa kanilang paligsahan sa pag awit sila laging panalo

Tinanong ko ang aking sarili ito ba'y talento ko
O hilig lang ng katawan o libangan turuan ang tao
Lahat ay nanghihikayat di pa raw ito huli
Pag aaral gawin ko na wag lang daw magmadali

Pero ako'y naguguluhan mga bagaybagay aking napagiisipan
Pano kung maging abala baka akoy mahirapan di matapos ng lubusan
Aking trabaho aking pinangangalagaan
Pano kung mawala ayoko na ng kahirapan

Hahayaan ko na lang ba araw ay lumipas
Mga pangarap na tunay dahan dahang kumukupas
Na parang damit di na maisuot ng sinuman
Dapat bang ituloy ang pagaaral nasan ang kasagutan

Pagkain ba o musika ako ay nababahala
Na baka sa bandang huli ako ay sadyang lumuha
Sa twing kakanta, magpapyano o maggigitara
Bigat ng kalooban tila ba nawalang parang bula

Sa Bagong Normal na Araw


Dumaan ang umaga, kailangan kong magumpisa

Ng panibagong araw ito ba ang hinintay kong pag asa

Sa bawat saglit bawat minuto ng araw na ito

Iniisip ko pano mabubuhay sa susunod na linggo


Aking iniisip may dapat bang pagsisihan

Nagawa ko sa buhay bakas ng aking nakaraan

Lagi naman ako'y sa dyos ay nangungusap

Ngunit ang kapalara'y taliwas sa king pangarap


Sa pag sisikap ko at paninindigan sa buhay

Ako'y parang tuyong dahon naghihintay na mamatay

Ang buhay lubhang nakakapagod para kang naglalakad

Sa hirap at tangis lagi akong nakakaladkad


Ang aking maybahay na aking kaagapay

Wala sa aking tabi hinayaan akong lumulupasay

Di na naawa ako'y sadyang nahihirapan

Sa aking kalagayan ako'y kanyang hinayaan


Sa Araw na nag daan sino ang magsasabi

Na ito'y ordinaryong araw lang sa mata ng marami

Almusal hanggang hapunan lahat ay nakanin na

Kelan naman kaya darating ang tunay kong pag asa


Dapat nga kaya na ako na ay kumilos

O maghihintay at magtitiis hanggang ito ay matapos

Paghihirap ko sa buhay hanggang kelan pasan pasan

O Abang dyos ko ako sanay iyong tulungan


Sabi ng iba ito raw ay malaking biyaya

Sa itaas ito ay galing nagmula sa kanya

Ngunit naisip bakit naman nya hahayaan

Na ako dito sa mundo lugmok sa kahirapan


Sa pagpikit ng mata sa pagtulog ko sa gabi

Di na alintana ang kakainin ko sa tanghali

Ang hiling ko lamang sanay pagbigyan

Magandang trabaho ako sanay ako ay mabiyayaan



Miyerkules, Marso 17, 2010

Nalilito bat ang gulo

Nalilito o tila ang gulo gulo
Ng isip ko ngayong araw na ito
Muli syang nakita di ko maintindihan
Puso't isp ko ay tila naguguluhan
Sa isang mensahe sya nga ba ang aking hinahanap
O baka naman sya lamang ay imahinasyon gawa ng pangarap
Magkahalong takot tuwa at pangamba
Di ko alam kung bakit ganito aking nadarama
Kung kailan naman isip ko ay sobrang gulo
Buhat sa pag aaway masidhing pagtatalo
Hindi pa nga natatapos ang madtinding hidwaan
Bigla syang lumabas at sa akin nagparamdam
Tama kaya ang aking ginagawa
Na sya ay pansinin upang lungkot ay mawala
Ngunit ang buhay namin ay parehas kumplekado
Kaya siguro ako'y ay sadyang nalilito

Mithiin sa Buhay


Mula pagkabata wala ng ibang sinikap
Kundi ang simpleng buhay maahon sa hirap
Di ko hinangad karangyaan at kayamanan
Basta masaya't maligaya ligtas sa karamdaman


Ngunit minsan ganito ang buhay na masaklap
Di makaalis sa lungkot, di ito ang pangarap
Minsan di ko malaman kung bakit o sino ang may gusto
Ng buhay na malupit pa sa asupre at bato


Di lamang kaya'y tinatawag nya muli ako
Na lumapit sa kanya upang aking matanto
Aking pagkukulang paglimot sa kanyang pangalan
Mga magagandang biyaya sya pala ang dahilan


Pagsubok sa buhay parte nga ba ng kwento
Na dapat daan ng tao na nabubuhay sa mundo
Sa bawat aral at leksyon na aking natutunan
Dapat ko lang bang matutunan na sya lamang ang kailangan

Araw araw sa buhay kong natatanawan
Ang kislap ng umaga pag asay kaya'y makamtan
Sa bawat paghinga ang aking iniisip
Buhay ba'y ipagpatuloy o dapat na bang manahimik


Salamat sa blog kong ito
Damdamin kong ito ay nalalalaman mo
Sa mga mambabasa sana'y naibigan nyo
O kung hindi paumanhin ang syang paabot ko


Di mo man maintindihan o lubos na maunawaan
Salamat pa rin kahit ikaw ay naguguluhan
Sa pag basa mo narinig mo at naramdaman
Aking saloobin maraming salamat kaibigan


Panimula

Dahil sa isang kilalang tao
Nasimulan ang blog kong ito
Ngayon makikita mo tunay at totoo
Mga nararamdaman ko ibabahagi sayo

Minsan ko syang nakita sa telebisyon na programa
Mga salita nya tunay naman akong namangha
Di nga pala tula unti unting nalimutan na
Ng mga kababayan nating sa text ay abala

Bago ko simulan nais ko lamang pasalamatan
Sa pangatlong linya ng tula ko si makatawanan
Di man nya alam lubos ang ko syang pinasasalmatan
Sa sulat kong ito di ko sya malilimutan